CAUAYAN CITY – Nakilala ang lalaking nasawi sa aksidente sa Alicia, Isabela.
Matatandaan na natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng isang lalaki sa irrigation canal sa pambansang lansangan na nasasakupan ng barangay Antonino, Alicia, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, batay sa pagsisiyasat ng Alicia Police Station, lumalabas na binabagtas ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo ang pambansang lansangan sa hilagang direksyon patungong lungsod ng Cauayan.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nawalan ng kontrol ang driver at nahulog sa irrigation canal.
Tumama naman ang biktima sa isang kunkretong bagay kung saan bahagyang nakalubog din ang katawan nito sa tubig nang matagpuan katabi ng kanyang motorsiklo.
Sinubukan pa siyang dalhin sa pagamutan subalit idineklara nang dead on arrival.
Matapos naman ang pagsisiyasat ng pulisya ay natukoy rin ang pagkakakilalan ng biktima na isang dalawampot isang taong gulang na residente rin ng Barangay Antonino, Alicia, Isabela.
Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na ibahagi pangalan nito.











