CAUAYAN CITY- Handang harapin ng Project Engineer ng bumagsak na Cabagan-Sta, Maria bridge kung sakali mang may magsampa ng kaso laban sa kaniya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Magno Balisi, Project Engineer ng gumuhong tulay, sinabi niya na tama ang proseso ng pagpapatayo ng tulay dahil lumabas ito sa resulta ng fabrication kaya natitityak niya na mayroon itong quality control.
Dumaan din aniya ito sa serye ng testing at aprubado ito ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Iginiit naman nito na hindi sila ang nag-design ng tulay at ito ay galing sa DPWH Central Office kaya hindi nila alam ang kapasidad nito dahil sila lamang ang nag-implementa sa nailatag na disenyo.
Binuksan na aniya ito sa publiko ngunit may limitasyon lamang dahil sumailalim ito sa retrofitting matapos mag-tilt ang pang walong poste nito.











