--Ads--

Tinalakay sa isinagawang sesyon ng Cauayan City Council ang dumaraming bilang ng mga namamasadang colorum na tricycle.

Sa kaniyang talumpati binigyang diin ni Liga ng mga Barangay President Kapitan Victor Dy na labis na silang nababahala dahil sa sa lumolobong bilang ng mga colorum o mga namamasadang hindi rehistradong tricycle sa Lunsod.

Aniya may mga pagkakataon o partikular na oras kung saan lumalabas ang mga colorum na tricycle para mamasada kaya dapat talaga aniya na may maitalaga para sana mabantayan ito.

Paraan din aniya ito upang matiyak ng Pamahalaang Lunsod ng Cauayan ang kaligtasan ng bawat mananakay.

--Ads--

Samantala, muli ay binigyang diin ng Public Order and Safety Division na hindi nila tinatantanan ang paghuli sa mga colorum tricycles sa Lunsod.

Sa katunayan aniya identified na nila ang mga colorum na tricycle drivers sa Lunsod dahil nakalista naman ito sa Business Permit and Licensing Office o BPLO na tinatayang 5% ng kabuuang bilang ng mga tricycle sa Lunsod.

Aniya ilang ulit na rin nilang kina-usap ang mga nahuhuli nilang colorum na tricycle na magparehistro at kumuha ng franchise para maging lehitimo.

Giit niya na sila rin ang kawawang paulit ulit na nahuhuli kaya naman iminumungkahi nila na kung wala na silang balak mamasada ay maglagay sila ng sticker na ang tricycle ay for service only para hindi ito sakyan ng mga pasahero, pero kung nais nila bumalik sa pamamasada ay kumuha sila ng franchise.

Isa sa mga halimbawa dito aniya ang gumagamit ng for service na tricycle para maghatid ng kaanak sa mga eskwelahan subalit nagsasakay naman ng pasahero.

Hindi naman niya itinanggi na madalas talagang lumabas ang mga colorum tuwing gabi para mamasada subalit nilinaw niya na tuloy tuloy ang kanilang operasyon sa magkakaibang oras.

Umaabot sa isa hanggang dalawang mga colorum tricycle drivers ang nahuhuli nila araw-araw.

Kung matatandaan na nitong mga nagdaang mga araw ay nag operate ang Land Transportation Office o LTO para manghuli ng mga hindi rehistradong mga sasakyan.

Sa katunayan aniya maraming mga programa ang Pamahalaang Lunsod ng Cauayan ang ibinibigay para sa mga honest toda driver kung saan sila ay binibigyan ng libreng franchise kapalit ng kanilang pagiging tapat.