Isang 18-anyos na lalaki sa India ang itinanghal na may “Hairiest Hair on a Person” sa buong mundo matapos kumpirmahin ng Guinness World Records na mayroon siyang 201.72 hibla ng buhok kada isang square centimeter ng kanyang mukha.
Si Lalit Patidar ay may kondisyon na tinatawag na hypertrichosis o mas kilala bilang “werewolf syndrome.”
Napakadalang ng kondisyong ito, na sinasabing tumatama lamang sa isa sa bawat isang bilyong tao.
Sa kasaysayan, tinatayang 50 katao lamang ang naitala na mayroon nito mula pa noong Middle Ages.
Mahigit 90 percent ng mukha ni Patidar ay natatakpan ng buhok mula pa noong siya ay bata.
Dahil dito, nakaranas siya noon ng pangungutya mula sa kanyang mga kaklase, ngunit kalaunan ay natanggap din siya ng mga ito nang makilala siya nang lubusan.
Bagamat may mga taong nagpapayo sa kanya na ipatanggal ang buhok sa kanyang mukha, nananatili siyang kuntento sa kanyang hitsura.
Para sa kanya, hindi niya kailangang baguhin ang kanyang anyo dahil may kumpiyansa siya sa kanyang sarili.
Bukod sa pagiging isang Guinness World Record holder, aktibo rin si Patidar sa YouTube kung saan ibinabahagi niya ang kanyang pang-araw-araw na buhay.
Lubos siyang nagalak sa natamong pagkilala, na aniya’y isang hindi malilimutang tagumpay para sa kanya.











