Binabantayan na rin ngayon ng Philippine Army ang mga coastline ng hilagang Luzon kasabay ng paglilipat ng kanilang focus mula sa internal security patungo sa external threats.
Sa naging pagpapahayag ni Col. Camilo Saddam, Assistant Division Commander Retirees and Reservice Affairs ng 5th ID sa pagbubukas ng West Philippine Sea gallery exhibits sa SM City Mall, Cauayan City, Isabela, sinabi niya na dahil dati ay nakatutok lamang sila sa internal security ay hindi napapansin ang sitwasyon ng mga nasa coastal areas sa mga external threats.
Layon anya ng exhibit na imulat ang mga Pilipino sa kahalagahan ng ating karagatan na hindi lamang bahagi ng kasalukuyan kundi maging sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Aniya dahil remnants na lamang ang mga internal threats tulad ng terorismo na dala ng mga rebeldeng NPA at iba pang makakaliwang grupo ay mas lumawak na ang kanilang area of operation patungo na sa mga external threats.
Dahil pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea at marami itong nakatagong natural resources ay kailangan itong bantayan ng mga otoridad at kasama na rito ang Armed Forces of the Philippines.
Tungkulin aniya nilang matiyak na ang territorial waters ng Pilipinas ay hindi basta-basta napapasok ng ibang bansa na may nais makuha rito.
Bilang paghahanda ay nakikibahagi sila sa joint exercises kasama ang mga international allies ng Pilipinas maging ang pag-upgrade sa defense capabilities ng bansa.
Hindi naman aniya nawawala ang diplomatic effort sa mga bansang pilit umaangkin sa West Philippine Sea upang igiit ang ating karapatan sa nasabing teritoryo nang hindi gumagamit ng dahas.











