--Ads--

CAUAYAN CITY- Bumaba ang crime index sa bayan ng Tumauini, Isabela ngayong 2025 kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na simula Enero-Marso 2025 ay nakapagtala lamang sila ng 13 incidents na saklaw ng Crime Against Person na dati ay 22.

Mula naman sa 36 na violations ng special laws noong nakaraang taon ay bumaba ito sa 18 ngayong taon.

Noong 2024 ay bumaba rin ang naitala nilang traffic incident na mayroon lamang 57 mula sa dating 111 noong 2023.

--Ads--

Ito ay bunga umano ng mga isinasagawa nilang maximumum police visibility at ang kanilang pag-implementa sa 10/90 deployment kung saan 10% ng kanilang personnel ay nasa opisina habang ang nalalabing 90% naman ay nagpapatrolya.

Mahigpit din nilang ipinapatupad ang 12/12 duty scheme kung saan tig 12 hours ang duty ng mga kapulisan upang matiyak na anumang oras ay mayroong naka-duty na pulis sa bayan ng Tumauini.

Malaking tulong naman aniya ang pagsasagawa nila ng Theoretical Driving Course para sa mga estudyante sa pagpapababa ng bilang ng vehicular accident dahil tinutulungan nito ang mga estudyante sa pagkuha ng kanilang lisensya.

Samantala, lumawak din ang implementasyon ng Tumaini Police Station ng kanilang checkpoints kung saan hindi lamang comelec checkpoint ang kanilang isinasagawa maging na rin ang spot checkpoint.

Sa ngayon ay wala pa naman silang nahuhuli na mga lumalabag sa Comelec Gun Ban.