CAUAYAN CITY- Itinanghal bilang overall first runner up ang Schools Division Office (SDO) Isabela sa katatapos na Regional Festival of Talents (RFOT) na ginanap sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mary Julie Trus, Assistant Schools Division Superintendent ng SDO Isabela, sinabi niya na anim na gintong medalya ang kanilang naiuwi matapos magpamalas ng husay at galing ang mga kalahok na mag-aaral.
Nasungkit ng SDO Isabela ang 1st place sa Sining Tanghalan sa pamamagitan ng Reina Mercedes Vocational and Industrial High School; 2nd place sa Bayle sa Kalye ng Ugad National High School, 3rd Place sa Katutubong Sayaw ng Reina Mercedes Central School (Elementary); nasungkit naman ng General Emilio Aguinaldo National High School ang 3rd Place sa pintahusay.
Maliban dito ay nakuha rin nila ang Best Yell at Shout out.
Aniya, hindi naging madali ang pinagdaanan ng mga estudyanteng kalahok sa RFOT dahil nasala silang mabuti.
Ang selection ng mga kalahok ay nagsisimula sa festival of talents sa mga paaralan kung saan ang mga mananalo rito ang magrerepresenta sa kanilang paaralan sa legislative Disrict hanggang sa makarating sila sa Division Festival of Talents ang mga mananalo rito ang magiging opisyal na representative ng SDO Isabela sa RFOT.
Itinampok aniya ng SDO Isabela ang kultura na mayroon ang lalawigan sa pamamagitan ng pagsalamin nito sa mga contested activities gaya na lamang ng Bayle sa Kalye, Katutubong Sayaw, Pagpinta at paglikha ng awitin.
Sa ngayon ay pinaghahandaan na ng SDO Isabela ng National Festival of Talents kung saan sasailalim sa in-house traning ang mga kalahok sa RFOT na nakasungkit ng unang pwesto sa mga nilahukan nilang aktibidad.










