Binuksan pansamantala ang ilang pangunahing kalsada papasok at palabas ng Region 2 bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga magbabakasyon sa Lambak ng Cagayan sa Holy Week.
Ito ay kinabibilangan ng maharlika highway mula sa bayan ng Sta. Fe hanggang Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Maricel Acejo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2, sinabi niya na pansamantalang itinigil ang mga road activities sa naturang lalawigan upang bigyang daan ang malaking volume ng mga sasakyan na papasok at lalabas ng Lambak ng Cagayan.
Matatandaan na kamakailan ay nagpatupad ang DPWH ng asphalting activities na nagdulot ng one-way traffic sa mga pangunahing kalsada sa Nueva Vizcaya.
Maliban sa mga kalsada ay mayroon ding isinagawang repair at aspalting sa ilang mga tulay sa lalawigan partikular sa Rosario Bridge sa Diadi at Batu Bridge sa Bambang ngunit ito ay natapos na nito lamang nakaraang linggo.
Bagama’t bukas na sa 2-way traffic ang mga pangunahing daan sa Nueva Vizcaya at mas marami itong maa-accommodate na mga sasakyan ay hindi pa rin nila tinatanggal ang posibilidad na magkaroon ng bahagyang pagsikip sa daloy ng trapiko lalo na at dagsaan ang mga magbabakasyon sa holy week.
Magtatalaga rin sila ng motorist assistant desk o ‘Lakbay Alalay’ na layuning tugunan ang pangangailangan ng mga motorista sa anumang oras.











