Nakatakdang itaas sa red alert status ang Emergency operations center ng Office of the Civil Defence (OCD) Region 2 pagsapit ng Abril 17 bilang paghahanda sa papalapit na Holy Week.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Mia Carbonel ng OCD Region 2, sinabi niya na sa ilalim ng Red Alert status ay 24/7 ang magiging monitoring ng mga awtoridad sa mga insidente na maaaring maitala sa Semana Santa.
Noong ikalawa ng Abril ay nagbaba na ang Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council ng memorandun para sa alert status na itataas sa buong Rehiyon.
Pangunahin nilang tututukan ang mga lugar na pangunahing binibisita tuwing holy week gaya na lamang ng Simbahan at mga ilog.
Sa ngayon ay nasa Red Alert Status na ang ilang lugar sa Rehiyon dahil sa ginaganap na Private Schools Athletic Association (PRISAA) sa Tuguegarao City ngunit nakatakda naman itong ibaba pagkatapos ng naturang aktibidad at muling itataas sa red alert sa obserbasyon ng Holy Week.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga DRRM Offices pagdating sa mga emergencies na maaaring maranasan sa Holy Week.










