--Ads--

Pinakaapektado sa mga ipinatupad na taripa ni US Pres. Donald Trump sa ilang bansa ang mga senior citizen, negosyante at mga walang trabaho.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Farlie Salvador ng New York USA, kung sa mga working class ay hindi gaanong maapektuhan dahil may ipantutustos pa rin sila sa kanilang pangangailangan lalo na at mga imported goods ang mas tataas ang presyo dahil sa taripa.

Pangunahing mahihirapan dito ang mga senior citizen na tumatanggap ng pensyon mula sa pamahalaan at mga maliliit na negosyante na ang produktong ibinibenta ay galing sa ibang bansa o mga imported.

Maaapektuhan aniya ang sales ng mga negosyante na nag-iimport ng produkto mula sa China dahil mas pipiliin na ng mga consumer na bumili ng alternatibong produkto kaysa bumili ng china product na tumaas ang presyo dahil sa taripa.

--Ads--

Ilan naman sa mga malalaking kompanya gaya ng mga manufacturer ng sasakyan ay nagpatayo na ng pabrika sa US para hindi na kailangan pang mag-import dito at hindi na sila gaanong maapektuhan ng malaking import tariff.

Ang mga nasa young working class naman ay alam na ang ginagawa sa stocks kaya hindi na rin sila gaanong maapektuhan dahil sa kaya nilang mag-adjust kung ano ang sitwasyon sa stock market.

Pinakaapektado naman sa ipinatupad na 90-day pause sa tariff ay ang China dahil magpapatuloy ang ipinatupad na tariff sa mga goods na magmumula sa nasabing bansa.