CAUAYAN CITY- Isinalaysay ng isang botante ang ginawang harassment at pagbabanta sa kaniya ng dalawang barangay kagawad ng Quirino, Naguilian, Isabela dahil umano sa pag sang-ayon niya na maging watcher ng kalabang partido ni Mayor Juan Capuchino.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jao Marquez, sinabi niya na labis na ang kaniyang pag-aalala dahil sa ginawang harassment ng dalawang barangay kagawad dahil umano sa ginagawa niyang pagsuporta sa kalabang partido.
Aniya naganap ang insidente noong April 3 sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-8 ng umaga, nagtungo aniya sa tinitirahan niyang bahay ang naturang mga barangay kagawad.
Pumunta umano sila sa isang bahay para doon magusap dahil sa kakaibang kutob ay napag desisyunan niyang kunan ng video ang kanilang paguusap bunga na rin ng ilang mga pagbabanta na kaniyang natanggap matapos umano siyang makita na nakikinig sa isang programa ng kalabang partido.
Bago ang insidente ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang kliyente na matagal na niyang sineserbisyohan bilang free-lance stylist subalit ang tatay umano nito ay tumatakbong Sanguniang Bayan Member, dahil sa nahihiya umano itong tanggihan ang alok na maging watcher siya sa halalan ay nakinig siya sa orientation.
Dito na aniya nagsimulang lumabas ang mga espekulasyon na nakunan umano siya ng litrato dahil sa pagdalo sa naturang orientation na umano’y ikinagalit ni Mayor.
Una ay hindi umano niya pinansin ang naturang mga pagbabanta at panghaharass sa kaniya kaya nagpatuloy lamang siya sa regular niyang ginagawa araw araw.
March 7,2025 nagkaroon aniya ng profiling para sa ayuda na galing umano sa DSWD at dahil sinabing may pangalan siya ay nagpunta siya, habang isinasagawa ang profiling ay sinabihan siya na pumunta sa ikalawang palapag ng community center kung nasaan ang mga opisyal ng barangay.
Noong una akala niya na bibigyan lamang siya ng certificate of indigency subalit pagpasok sa opisina ay dito na siya tinanong kung siya ba ay botante ng Barangay Quirino, Nagulian, Isabela maging ang precint number niya.
Tinanggap naman aniya ng papel subalit batay sa kagawad hindi sigurado kung aaprubahan ito.
Muli ay bumaba siya at ibinigay ang kaniyang voter’s certificate subalit isang kagawad pa ang nagtanong kung sigurado naba siya.
Wala umano siyang kaalam-alam kung para saan ba talaga ang ginawang profiling kaya muli ay pinabalik siya sa opisina, sa ikalawang pagkakataon ay nakausap niya muli ang barangay kagawad at doon inilahad ang umano’y mga issue na ipinupukol sa kaniya.
Batay sa pahayag ng barangay kagawad nakunan umano siya ng litrato at nakita siyang dumalo sa orientation bago tinanong kung paano sila makakasiguro na ang boto niya ay para umano kay Mayor Juan Capuchino, dito na naging malinaw ang lahat at ipinag diinan niyang hindi niya ipagbibili ang kaniyang boto.
Matapos nito ay nakatanggap na siya ng pagbabanta habang ang ilan ay sinabihan siyang mag-ingat.
Hindi niya agad ito idinulog sa kaniyang abugado at sinubukan pa niyang itago ng ilang araw subalit ikinunsulta umano niya ito sa mga pinagkakatiwalaan niyang kaibigan.
Dahil sa insidente ay nakaramdam siya ng diskriminasyon na nag dulot sa kaniya ng trauma kaya napag pasyahan niya na maghain ng legal case laban sa mga sangkot na kagawad.
Samantala, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Municipal Election Officer Atty. Myrtle Marayag na bago pa mag viral ang video ay reported na ito sa kanilang hanay.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na nila ang naturang insidente at bibigyan ng pagkakataon na sumagot ang mga sangkot na partido, nakatakda din silang magsagawa ng clarificatory hearing para rito.
Aminado naman si Atty. Marayag na batay sa video malinaw na mayroon naging paglabag subalit kailangan nilang magsagawa ng imbestigasyon para maging malinaw ang naging paglabag ng mga sangkot na kagawad.











