--Ads--

Magpapatupad ng tatlong araw na asynchronous classes ang lahat ng campuses ng Isabela State University System dahil sa mainit na panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Boyet Batang ang President Elect at Vice president for Academic Affairs ng Isabela State University-system, sinabi niya na sa pamamagitan ng kautusang ibinaba ni ISU President Dr. Ricmar Aquino ay ipapatupad ng ISU System ang asynchronus Classes maging online classes mula araw ng Lunes April 14 hanggang Miyerkules April 16.

Ito ay dahil sa kahilingan ng Student Regents dulot ng matinding init ng panahon o mataas na heat index na naitatala ngayon sa Lalawigan ng Isabela.

Alinsunod sa kautusan, lahat ng campuses ng ISU system ay magsasagawa ng online modalities para matiyak na magpapatuloy ang continuity of instruction habang tinitiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

--Ads--

May mandato rin ang bawat faculty members na magsumite ng kanilang learning activity plan mula April 14 hanggang April 16 na kailangang aprubahan ng Program Chair at isumite sa College Dean.

Required din ang mga faculty members na mag provide ng verifiable evidence sa online classes o asynchronus classes na kanilang gagawin sa Lunes.

Paglilinaw naman ni Dr. Batang na bagamat may airconditioned rooms ang iba’t ibang mga campuses ng ISU system ay may mga pagkakataong hindi ito kinakaya dahil sa mataas na heat index.

Isa ring dahilan ng pagsasagawa ng asynchronus classes ay dahil sa Home Grown Learning Modality System o LMS na binuo ng ISU-system kung saan doon inilalagay o ipino-post ang mga activities na gagawin ng mga estudyante.

Puntirya naman ngayon ng ISU system bago ang pagpapalit ng liderato na magsagawa ng inventory sa bawat classrooms para gawing airconditioned ang mga ito na kanilang tututukan sa susunod na dalawang taon.

Alinsunod ito sa hangarin ng ISU system na maging Smart University kaya kailangang imodernized ang mga silid aralan kaakibat ang malaking pondo para isakatuparan ito.

VIA Bombo Charry Mallillin