Nasawi ang isang menor de edad sa salpukan ng Tricycle at Motorsiklo sa Barangay Agassian, Ilagan City, Isabela.
Ang tsuper ng tricycle ay isang 17-anyos habang ang lulan nito ay si Pamela Acoba 28-anyos kapwa residente ng Barangay Paliueg, City of Ilagan habang ang sangkot naman na motorsiklo ay minaneho ni Marvin Pedro, 37-anyos na residente ng Raniag, Burgos, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, tagapagsalita ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na parehong binabagtas ng sangkot na sasakyan ang barangay road na nasasakupan ng Barangay Aggasian patungong hilagang direksyon kung saan nauuna ang tricycle na sinusundan ng motorsiklo.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay lumiko pakaliwa ang tricycle para sana bumili ng pagkain sa meat shop na nasa kabilang bahagi ng daan.
Habang nasa proseso ito ng pagliko ay akma namang mag-oovertake ang motorsiklo na sumusunod dito sanhi upang mabunggo nito ang sinusundan nitong tricycle.
Tumilapon ang parehong tsuper kung saan nagtamo ng matinding head injury ang menor de edad na driver ng tricycle na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkasawi habang nagtamo rin ng sugat sa katawan ang tsuper ng motorsiklo.
Napag-alaman na kakagraduate lamang sa Senior High School ang menor de edad na biktima nitong Lunes, ika-14 ng Abril.











