Nananatiling mapayapa ang obserbasyon ng Holy Week sa bahagi ng Tumauini Isabela batay sa monitoring ng Philippine National Police o PNP.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr. ang Chief of Police ng Tumauini Police Station sinabi niya na tahimik ang pag-obserba ng Semana Santa sa kanilang nasasakupan ngunit tiniyak niya na hindi sila nagpapakampante at patuloy ang kanilang paalala sa mga nagtutungo sa mga ilog na maging maingat at iwasan na ang pag-inom ng alak.
Isa naman sa itinuturing nilang Best Practice ng Tumauini PNP ang paglalagay ng tarpaulin na nagbibigay babala sa mga nagtutungo sa ilog sa pabirong pamamaraan.
Aniya inilalagay ito sa mga ipinagbabawal na parte ng ilog upang mapaalalahanan ang mga turista na umiwas sa nasabing bahagi ng ilog.
Bagamat hindi direktang ipinagbabawal ang pagtungo sa ilog ay mas mabuti aniyang may mga plakard na nakalagay bilang babala sa kanila sa mga dapat nilang iwasan.
Sa ngayon ay wala pa naman silang naitatalang insidente ng pagkalunod at umaasa silang walang maitatala sa pag-obserba ng Semana Santa sa kanilang nasasakupan.
May koordinasyon naman ang PNP sa mga opisyal ng Barangay upang mas mabilis ang responde sakaling may mangyaring hindi kanais-nais.











