Daan-daang deboto ang dumalo sa Washing of the Feet o paghuhugas ng paa sa Our Lady of the Pillar Parish Church na isinasagawa tuwing Huwebes Santo bilang pagpapakita ng pagsunod sa kababaang loob ni Hesus bago ito ipinagkanulo.
Ang paghuhugas ng mga paa ay sinaunang kristyanong ritwal na sinimulan sa panahon ni Hesus.
Sa naging pagpapahayag ni Rev. Fr. Vener Ceperez, Parish Priest ng Our Lady of the Pillar Parish Church Cauayan City sinabi niya na tuwing Huwebes Santo ay ipinapaalala sa mga kristiyano ang pagpapakumbaba sa kabila ng makabagong panahon na minsan na lamang makita ang pagmamalasakit sa kapwa.
Sa ngayon kasi aniya ay marami nang nagbabago kapag naabot ang rurok ng kasikatan o karangyaan sa buhay.
Hindi na naiisip ang pagpapakumbaba dahil palaging bukambibig ang siraan at tsismisan.
Ang Huwebes Santo aniya ang nagsisilbing paalala sa mga tao na huwag lang sariling kapakapanan ang laging iisipin at maiging magpakumbaba rin sa kapwa tao kahit pa hindi ito ginagawa sa kanila.
Bilang alagad ng Diyos ay dapat ipakita ang pagsunod sa mga habilin nito at mabuhay ng marangal at may pagpapakumbaba.
Samantala mapayapa namang natapos ang isinagawang misa dahil sa mga ipinakalat na personnel ng Philippine National Police at iba pang force multipliers tulad ng Public Order and Safety Division o POSD at Bureau of Fire Protection o BFP.











