CAUAYAN CITY- Isang motorcycle rider ang nasawi sa aksidenteng kinasangkutan ng SUV at single motorcycle sa Maharlika Highway malapit sa Rizal Park, San Fermin, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station,ang nasawi ay isang, 38-anyos na lalaki na residente ng Minante 1, Cauayan City, habang ang nakabangaan ng nasawing rider ay isang SUV na minamaneho ni Thomas Godbold Jr, isang Foreign National na mula sa Green Cove Springs, Florida, USA.
Batay sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station napag-alaman na binabaybay ng SUV ang direksyon patungong Alicia, Isabela habang ang motorsikolo ay patungong northbound.
Pagkarating sa lugar kung saan naganap ang aksidente ay bigla umanong umagaw ng linya ang motorisko at bumangga sa kasalubong na SUV.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang biktima na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan habang nawasak naman ang motorsiklo nito.
Nagawa pang isugod sa pagamutan ng rumespondeng Rescuers ng Rescue 922 ang biktima subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang mga sangkot na sasakyan para sa disposisyon.











