Nagpapatuloy ang sagupaan sa pagitan ng mga militar at Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KRCV) sa Barangay Dicamay 2, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Ed Rarugal, Hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na isang concerned citizen ang nag-ulat sa kanilang hanay hinggil sa kinaroroonan ng makakaliwang grupo sa barangay Dicamay 2.
Agad namang nagsagawa ng pagpapatrolya ang 86 Infantry Batallion sa nasabing lugar at bandang alas-6 ng umaga nitong Linggo, ika-20 ng Abril ay nakasagupa nila ang hindi pa matukoy na bilang ng mga teroristang grupo.
Gayunpaman ay kumpiyansa sila na ang mga ito ay ang walong natitirang miyembro ng KRCV na kanilang binabantayan sa naturang lugar.
Sa ngayon ay wala pa namang napaulat na nasugatan sa hanay ng mga militar at makakaliwang grupo.
Hindi pa naman umano nila kinakailangang magpadala ng karagdagang pwersa ngunit nakaantabay pa rin ang kanilang hanay para sa posibleng augmentation.
Nilinaw naman ni Maj. Rarugal na hindi election-related ang sagupaan dahil dati nang pinamumugaran ng mga teroristang grupo ang naturang lugar.
Ito ang kauna-unahang engkwentro ng mga militar at KRCV ngayong taon matapos sumuko ang isa sa kanilang mga Commander nitong Pebrero 2025.
Patunay aniya ang insidente na ito na ayaw na ng mga residente roon sa presenya ng mga makakaliwang grupo kung kaya’t agad nilang inuulat sa mga kinauukulan kung mayroon man silang mamataan na mga armadong grupo.
Ayon kay Maj. Rarugal, hindi makaaapekto ang nagaganap na engkwentro sa bayan ng Jones sa pag-proseso ng pagiging insurgency free ng lalawigan ng Isabela dahil ito ay government-initiated encounter.











