Bumaba ang mga naitalang Holy Week incident kabilang ang pagkalunod at vehicular accident sa Region 2 ngayong Semana Santa 2025.
Batay sa datos ng Police Regional Office o PRO 2 umabot lamang sa walo ang Semana Santa Incident ngayong taon, napakababa sa naitalang 42 noong 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Sharon Mallillin ang tagapagsalita ng Police Regional Office 2 (PRO 2), sinabi niya na naging mapayapa naman ang buong Lambak ng Cagayan sa Holy Week.
Sa katunayan ay mababa ang drowning incident na naitala ngayong taon na anim kumpara sa sampung insidente noong 2024.
Naitala ang mga pagkalunod sa Bayan ng Echague, San Mateo, Tumauini, at San Mariano na sinundan ng Cagayan at Maddela sa Quirino.
Maliban sa pagkalunod ay nakapagtala pa sila ng iba pang Holy Week Related incident tulad ng vehicular accident na ikinasawi ng isang indibidwal.
Kapansin pansin ngayong taon ang malaking pagbaba sa mga karaniwang naitatalang insidente tuwing Semana Santa na bunga ng masigasig na hakbang ng PNP sa pagbabahagi ng impormasyon sa publiko gaya ng OPLAN Tambuli maliban pa sa kahandaan ng PNP at iba pang mga katuwang na ahensya.
Isa sa mga nakatulong sa pagbaba ng drowning incident ay ang pagpapatupad ng Liqour Ban ng ilang Local Government Units o LGU sa buong Region 2.
Ayon kay Pmaj Mallillin na mananatili ang deployment ng PNP personnel sa mga Terminal, Pantalan at Paliparan.
Samantala, aasahan na mas paigtingin na ng PNP ang alerto hanggang full alert status sa susunod na Linggo bilang paghahanda naman sa National and Local Election sa Mayo.











