CAUAYAN CITY- Dinipensahan ng City Environment and Natural Resources Cauayan ang opisina nito sa isyu na nakararating sa kanila hinggil sa mga basurang nadadaanan ng mga nag-eexercise tuwing umaga partikular sa mga lansangan at sa harapan ng City Hall.
Giit ng opisina, talagang makikita ng mga maagang nag-jojogging ang mga basura dahil alas sais ng umaga ang pasok ng mga street sweeper.
Ayon kay Engr. Alejo Lamsen, mas naging maingay ang isyu noong kasagsagan ng bancheto kung saan marami ang mga nagtitinda sa harapan ng city hall.
Aniya, alas sais ang pagsisimula ng trabaho ng kaniyang mga tauhan kaya naabutan ng maagang lumalabas ng bahay ang mga basura sa lansangan.
Ngunit depensa nito, alas otso ay tapos na ang mga street sweepers sa paglilinis na hindi na nakikita ng mga pumupuna dahil marahil aniya ay nakapasok na sila sa trabaho.
Dagdag pa ng CENRO, kakaunti lang ang bilang ng kanilang mga tauhan at bagaman may mga idinagdag na ang City Government ay hindi pa rin naman ito masosolusyunan ang komento ng publiko dahil sa oras ng pasok ng mga naglilinis.











