Nagpapatuloy ang operasyon ng 5th Infantry Division Philippine Army laban sa mga tumakas na miyembro ng Kilusang Rehiyon Cagayan Valley o KRCV na nakasagupa ng militar sa Sitio Sapiot, Barangay Tappa, San Mariano, Isabela.
Ang sagupaan ay hiwalay na engkwentro matapos na magsagawa opensiba ang 502nd Infantry Brigade kasabay ng hot pursuit at combat operation ng 86th IB sa mga tumakas na miyembro ng ICRC at KRCV sa bahagi ng Jones, Isabela na nagresulta para madakip ang dalawang amazona sa encounter site.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MGen. Gulliver Señires ang Commander ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na unang nakatanggap ng tip mula sa ilang residente na nag ooperate sa Barangay Tappa, San Mariano, Isabela ang naturang mga miyembro ng komunistang grupo.
Ang mga nakasagupa ng 502nd IB sa ginawa nilang opensiba ay apat na nalalabing miyembro ng KRCV.
Aniya karaniwang hinahati-hati ng KRCV ang kanilang pangkat sa mas maliliit na bilang para mas mahirapan ang militar na hanapin sila subalit dahil na rin sa tulong ng taumbayan ay mabilis silang natutunton ng tropa ng pamahalaan.
Sa katunayan aniya ay makailang ulit na nilang inaalok ang mga ito na sumuko na at samantalahin ang mga benepisyong ipinag-kakaloob sa ilalim ng ECLIP program subalit ipinag sasawalang bahala umano ito ng mga makakaliwang grupo kaya napilitan ang Militar na ipatupad ang kanilang mandato.
Nagsimula ang sagupaan pasado alas otso ng umaga na mabilis na natapos na sinundan agad ng hot pursuit operation na nag resulta para marekober ang ilang mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
Sa ngayon ay wala pang napapa-ulat na nasaktan sa hanay ng kasundaluhan gayung hindi pa makumpirma kung may naitalang sugatan sa kabilang panig.
Sa kabila ng magkasunod na sagupaan tiwala naman ang pamunuan ng 5th ID na wala ng kakahayan ang KRCV na magpatupad pa ng permit to win and permit to campaign ngayong halalan.
Samanatala, muling binigyang diin ni MGen. Señires na hindi makakaapekto sa proseso para tuluyang makalaya sa insurhensiya ang Lambak ng Cagayan ang mga naitatalang presensya ng armed groups.
Napakaliit na lamang aniya ng bilang ng mga ito at maituturing na lamang silang lawless elements na may mga nakabinbin na kaso at warrant of arrest kaya kayang kaya nang tugisin ng Law Enforcement Agencies partikular ang PNP.











