Nagpaalala ang pamunuan ng Cauayan City Airport Police Station at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa pagpapalipad ng saranggola sa bisinidad ng paliparan.
Kaugnay ito sa naoobserbahan na muling pagka-uso ng paggamit ng saranggola ngayong mainit ang panahon.
Bukod pa rito ay ang paggamit ng drones sa kagustuhang makita ang aerial view ng Cauayan City.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Eduard Caballero, sinabi niya na nauunawaan ng airport ang kagustuhan ng mga bata na maranasan ang pagpapalipad ng saranggola at drone subalit maaari aniyang maging sanhi ito ng disgrasya lalo na kung palipad o pa take-off palang ang eroplano.
Kaugnay nito ay ipinapaalala naman ng tanggapan na mayroong City Ordinance sa lungsod na naaprubahan noong 2022, layunin nitong ipagbawal ang pagpapalipad ng lobo, saranggola, o drone sa mga lugar na nasa 1-8 kilometers ang lapit sa paliparan.
Samantala, ang mga drone ay pwede namang paliparin kung ito ay pahihintulutan ng CAAP.
Ang sino mang lumabag sa ordinansa ay mapapatawan ng 1-6 na buwang pagkakakulong o danyos na 3,000-5,000 pesos.
Sakali mang menor de edad ang lumabag, otomatikong ang magulang ang may pananagutan sa naturang pangyayari.











