Muling nakapagtala ang pulisya sa lalawigan ng Abra ng panibagong shooting incident kung saan dalawa ang kumpirmadong nasawi.
Batay sa report ng Abra Police Provincial Office, ang nasawi ay kinilalang si Jay-Ar Tanura, 27 anyos at si Jordan Claustro Barcena na nasawi habang nasa ospital.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Daniel Pel-ey, PCADU Chief ng Abra Police Provincial Office, sinabi niya na kasalukuyan ang pangangampaniya ng team ng mayoral aspirant na si Kathia Alcantara sa Brgy. Budac, Tayum, Abra nang mangyari ang panibagong insidente ng barilan.
Batay sa pagsisiyasat ng Tayum Municipal Police Station, nagkasalubong ang grupo ni Walter Tugade na tumatakbo bilang Sangguniang Bayan Member at grupo ni Kathia Alcantara na tumatakbo sa pagka-Mayor.
Na-rekober ng mga otoridad ang dalawang baril sa pinangyarihan ng krimen maliban pa sa ibat-ibang basyo ng bala ng baril habang isang suspek na ang naaresto sa isinagawang pursuit operation.
Naharang ang isang pick-up at sa isinagawang paghalughog ay nasamsam ang isang Cal. 45 pistol sa pag-iingat ng tsuper na si Jomel Barbito Molina.
Ayon sa tsuper pag-aari ito ng kasamahan nitong nasawi na si Jay-ar Tanura.
Ayon kay PLtCol. Pel-ey, ang dalawang nasawi ay mula sa grupo ni Walter Tugade.











