--Ads--

Natanggap na ng dalawang dating myembro ng rebeldeng NPA na sumuko ang P1 milyon na tulong pinansyal mula sa pamahalaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Eduardo Rarugal, hepe ng DPAO ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na ang dalawang dating rebeldeng NPA ay sina alyas Ka Andoy at Ka Manuel.

Pormal na ibinigay ni Apayao Governor Elias Bulut Jr. Ang tulong pinansyal sa dalawang dating rebelde.

Ang tulong na ito ay bahagi ng suporta sa kanilang pagbabalik-loob at muling pagsisimula ng panibagong buhay sa lipunan. Ginanap ito sa Headquarters ng Masinag Battalion, sa Old Capitol, Poblacion, Kabugao, Apayao.

--Ads--

Aniya hindi pa kasama sa P1 milyon na natanggap nila ang E-CLIP Benefits dahil kasalukuyan pa itong pinoproseso.

Sa mga nakalipas na dekada, itinuturing ang lalawigan ng Apayao bilang isa sa mga aktibong lugar ng kilusang CPP-NPA-NDF sa Cordillera Region.

Ngunit sa tulong ng mga programang pangkapayapaan ng lokal na pamahalaan, tulad ng Balik-Loob Program, unti-unting bumabalik ang katahimikan at kaayusan sa mga komunidad.

Muli naman niyang hinikayat ang mga natitira pang myembro ng rebeldeng grupo na nananatili sa kabundukan na sumuko na sa pamahalaan at magbagong buhay.