--Ads--

Nagbigay ng paalala ang Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan sa mga residente ng lungsod kaugnay sa mga kable ng kuryente na sumasayad sa mga bubungan ng bahay.

Batay sa pagsisiyasat ng BFP sa nangyaring sunog sa pamilihan sa lungsod ng Cauayan noong nakaraang taon, lumalabas na ang dangling wires o sumayad na kawad ng kuryente ang pinagmulan ng sunog.

Muli silang nagpaalala sa publiko na tiyaking malayo ang agwat ng mga kawad ng kuryente sa bubungan lalo na kung ito ay yero upang makaiwas sa sunog.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Inspector John Maurice Bumatay, Acting Fire Marshall ng BFP Cauayan, sinabi niya na nitong nakaraang linggo lamang ay nagkaroon ng pagspark ng kawad ng kuryente sa bahagi ng Cabaruan Cauayan City dahil sa sumasayad na kable sa yerong bubong ng bahay.

--Ads--

Aniya malaki ang posibilidad na matanggal ang cover ng mga wires na dumidikit sa yero lalo na ngayong mainit ang panahon na maaring magdulot ng pagspark at pagmulan ng apoy.

Dapat na aniyang mailayo ang mga kawad ng kuryente sa mga bubungan ngunit nagpaalala naman siya sa publiko na huwag basta basta ayusin ang mga dangling wires kundi humingi ng tulong sa mga electricians ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1.