--Ads--

Aminado ang Commission on Elections o Comelec Cabatuan na hindi lamang sa Barangay La Paz nangyayari ang ilang alegasyon ng pamimili ng boto kundi maging sa iba pang mga Barangay sa Cabatuan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Election Officer III Ruth Barangan, sinabi niya na maraming beses na silang nakatanggap ng ulat kaugnay sa pagkukumpulan ng mga tao sa mga Barangay Hall dahil sa umano’y vote buying at iba pang mga aktibidad na may kinalaman sa darating na halalan.

Bilang tugon ng komisyon ay pinapadala nila ang kanilang mga tauhan kasama ang mga kawani ng Philippine National Police para ma-assess ang mga sumbong na kanilang natatanggap.

Nagsasagawa rin sila ng evaluation kasama ang PNP subalit may mga pagkakataon na walang naaaktuhang nagbibigay ng pera, kaya naman pinapayuhan ang mga nagpaparating na impormasyon na kuhanan na lamang ng larawan o kaya ay video ang anumang anomalya.

--Ads--

Hinihikayat din nila ang mga ito na maghain ng affidavit para maging attachment sa formal complaint.

Ayon pa kay Comelec Officer Barangan na bagamat may malinaw na paglabag partikular ang paggamit sa pasilidad na pagmamay-ari ng Pamahalaan ay hindi pa rin makakagawa ng aksyon ang komisyon kung walang may gusto na magsampa ng reklamo.