CAUAYAN CITY- Naaresto na ng Police Regional Office 2 ang dalawang suspek na nasa likod ng pananambang sa tatlong indibiduwal sa Barangay bungad, San Pablo, Isabela.
Matatandaan na nasugatan sa naganap na pamamaril ang tatlong katao kabilang ang isang tumatakbong municipal councilor.
Sa inisyal na impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sakay ng pickup ang tatlong biktima na sina Mark John Paul Tipon, 34 -anyos at Sangguniang Bayan Member candidate, Mark Francis Antonio, 25-anyos, at Jhon Lloyd Duran, 21-anyos, na pawang mga residente ng Brgy. Poblacion, San Pablo, Isabela ng maganap ang pamamaril.
Nang makarating sa bahagi ng Barangay Bungad ay doon sila hinarang ng dalawang suspek na sakay rin ng isang puting pick up at pinagbabaril, bilang resulta nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad na dala sa pagamutan.
Matapos mai-report ang pamamaril ay agad na ikinasa ng pulisya ang hot pursuit operations, kasabay ng paglalatag ng high-risk checkpoints, pagpapakalat ng flash alarm, na naging daan para sa mabilissang pagkakadakip ng mga gunmen.
Nakuha mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang KG-9mm na may serial number, isang Caliber .45 na may serial number na may bala; isang magazine ng Caliber .45 na puno ng bala, fan knife, isang itim na gun holster, at ang ginamit nilang pickup truck.
Sa kaparehong araw ay nagsagawa ng Press conference ang pamunuan ng Police Regional Office 2 sa pangunguna ni PRO2 Director Antonio Marallag, Jr.
Inihayag ni Regional Director Marallag na ang mga nadakip na suspek ay may kaugnayan sa kalabang partido ni SB member Candidate Tipon.











