Inararao ng isang 10-wheeler wing van ang siyam na mga sasakyan sa Purok 3, Brgy. Caquilingan, Cordon Isabela.
Ang naturang sasakyan ay minamaneho ni Jerry Pantolin, nasa wastong gulang at residente ng Guzon Compound Malabong City.
Batay sa pagsisiyasat ng Cordon Municipal Police Station, bago ang insidente ay binabagtas ng wing van kasunod ang isang van na minamaneho ni Benjie Bemmon, nasa wastong gulang at residente Brgy. Cabuuan, Villaverde, Nueva Vizcaya habang ang iba pang sasakyan nasa kasalungat na direksyon at nakaparada sa gilid ng kalsada.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente pangunahin sa pababang bahagi ng kalsada papalapit sa Comelec checkpoint ay napansin ng tsuper na nagkaroon ng mechanical failure ang sasakyan at nawalan ng preno sanhi upang mawalan siya ng kontrol sa manibela.
Dahil dito ay bumangga ang wing van sa sinusundang van at saka dumiretso sa mga nakaparadang sasakyan sa kabilang bahagi ng kalsada.
Anim na katao naman ang naitalang sugatan kabilang ang 11 buwang gulang na sanggol na pawang lulan ng isa sa mga sasakyang nadamay at residente ng Brgy. Alibagu, Ilagan City, Isabela.
Agad naman silang nilapatan ng paunang lunas ng Cordon Rescue Team at dinala sa Javonillo Hospital para sa karagdagang gamutan.
Sa ngayon ay patuloy na inaalam ang kabuuang halaga ng pinsala ng aksidenta habang ang tsuper ng wing van ay dinala na sa himpilan ng pulisya para sa mas malalim na imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries and Damage to Property.











