CAUAYAN CITY- Nagdulot ng takot sa mga empleyado ng providers cooperative ang ginawang panggugulo umano ng mga kalalakihan sa kanilang pagsasagawa ng distribusyon ng mga abono sa mga magsasaka sa barangay Minanga, Naguilian Isabela.
Noong Sabado, April 26, nang ideliver sa isang bahay ng farmer ang mga abono na ipapamahagi sa mga miyembro ng farmers cooperative.
Ito ay proyekto na partnership ng nasabang kumpanya at ng Department of Agriculture kung saan pinauutang ang mga magsasaka ng abono na zero interest at maaring bayaran ng tatlong taon.
Ngunit sa kasagsagan ng pamamahagi ay dumating umano ang ilang mga grupo ng kalalakihan at di umano’y hinarass ang kanilang hanay dahil sa pagvi-video at pagkuha ng larawan ng walang permiso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jenniefer Bueno, Operation Manager ng nasabing kumpanya, sinabi niya na nagdulot ng takot sa kanila ang ginawang pagsugod ng mga kalalakihan na umanoy kabilang sa partido ng isa sa tumatakbong Alkalde ng Naguilian.
Aniya, wala silang ginagawang masama dahil ito ay proyekto katuwang ang Department of Agriculture.
Pahayag pa niya, may mga magsasaka na umuwi na lamang na walang bitbit na abono dahil umano sa takot.
Samanatala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Virgilio, isa sa mga nakaranas ng di umano’y panghaharass, sinabi niya na nagulat na lamang siya nang dumating ang mga lalaki at bigla silang kinuhanan ng mga video at larawan ng hindi nila pinaalam.
Aniya, maging ang abono na nakuha niya ay kinuhanan din ng larawan at video.
Tinanong pa umano siya ng isa sa mga ito kung pwede siyang mainterview ngunit hindi sinabi kung para saan ang panayam.
Naniniwala naman siya na maaring may kaugnayan sa politika ang ginawang paggugulo ng naturang mga kalalakihan.
Samantala, ayon naman sa punong Barangay ng Minanga na si Kapitan Jocelyn Nicolas, walang naiparating sa kanila na may mangyayaring distribusyon ng abono sa kanilang lugar kaya nagulat nalang siya nang mabalitaan na may nangyayaring kumosyon sa kaniyang nasasakupan.
Aniya, marahil ay dahil din dito kaya nagkaroon ng agresibong aksiyon ang kabilang partido.
Ipinagtataka rin nito kung bakit ngayon lang isinagawa ang pamamahagi ng abono na mismong sa mga Barangay na isinagawa.
Aniya, dati naman ay sa opisina ng Providers ito ginagawa at sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa mga staff ng kumpanya, sinabihan umano siya na ito ay request ng mga magsasaka.
Gayunpaman, naglagay na ng mga opisyal ng Barangay ang kapitan doon sa lugar upang magbantay sa pamamahagi ng abono.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor June Capuchino, sinabi niya na walang koordinasyon sa kanilang opisina o maging sa Municipal Agriculture Office hinggil sa pamamahagi ng abono.
Aniya, ang nakarating ay mayroon umanong nangyayaring bentahan ng abono sa gilid ng kalsada.
Ito rin marahil ang dahil kung bakit may mga nagtungo doon sa lugar na miyembro ng kanilang partido upang magvideo.
Ayon sa kaniya, natural na reaksiyon ng isang partido ang ganoon lalo na kung wala namang koordinasyon.
Wala ring naging pahayag ang kasalukuyang Alkalde hinggil sa umano’y panghaharass na nagaganap.











