--Ads--

Ipinadala ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang 102nd Infantry Battalion sa nagpapatuloy na Balikatan Exercise 2025 upang maging training audience.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Ed Rarugal, Hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th ID, sinabi niya na makikibahagi ang ipinadalang hanay sa mga isasagawang aktibidad sa Balikatan na naglalayong hasain ang kanilang kapabilidad sa pagtatanggol sa bayan.

Layunin din nitong i-synchronized ang defense forces ng Pilipinas sa mga kaibigan nitong bansa gaya na lamang sa Estados Unidos sa ilalim  na rin ng Mutual Defense Treaty.

Ayon kay Maj. Rarugal, ang Balikatan ay tri-service kung saan mayroong ginagawang pag-eensayo sa naval, land at air forces.

--Ads--

Sa pamamagitan nito ay kinakailangan nilang mag-rehearse at matuto kung paano gamitin ang mga makabagong armas na binili ng Armed Forces of the Philippines.

Magkakaroon dito ng palitan ng kaalaman sa pagitan ng US at Pilipinas na makatutulong sa parehong bansa sa pagpapalakas ng kanilang pwersa.

Sa ngayon ay nagkaroon na ng exercises sa bahagi ng Ilocos Region at inaasahan naman na sa mga susunod na pagkakataon ay isasagawa ito sa Lambak ng Cagayan ngunit wala pang eksaktong petsa kung kailan.

May mga isasagawa ring live fire exercises ngunit nilinaw ni Maj. Rarugal na hindi ito makaaapekto sa mga sibilyan.