--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakapag-deploy na ng personnel ang 5th Infantry Division Philippine Army sa iba’t ibang lugar na kanilang nasasakupan bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Maj. Ed Rarugal, Hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na pangunahin nilang tinututukan ang mga lugar na nasa Red Category upang makontrol ang mga hindi kanais-nais na insidente na maaaring maitala.

Isang halimbawa rito ay sa lalawigan ng Abra na nakapagtala na ng ilang election-related incident kaya naman bumuo sila ng Task Force Abra na kinabibilangan ng mahigit kumulang 150 na kasundaluhan upang tutukan ang mga karahasan na naitatala sa lugar.

Mahigpit din nilang binabantayan ang Rizal, Cagayan at San Pablo, Isabela na nakapagtala rin kamakailan ng election-relation incident.

--Ads--

Samantala, tinitiyak ng kanilang hanay na walang nangyayaring extortion o walang naniningil ng permission to campaign ang mga makakaliwang grupo sa mga kandidato na maaaring magdulot ng banta ngayong panahon ng pangangampanya.