CAUAYAN CITY – Ibinasura ng piskalya ang mga reklamong isinampa laban sa dalawang pinaghihinalaan na naaresto sa pananambang sa tatlong katao na kinabibilangan ng tumatakbong konsehal sa bayan ng San Pablo, Isabela.
Una nang naghain ng patong-patong na reklamo ang pulisya laban sa mga nasabing suspect na nahuli sa kanilang follow up operation kung saan kabilang rito ang tatlong bilang ng ng frustrated murder, isang attempted murder at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Police Regional Office 2 (PRO 2), iginagalang naman nila ang naging pasya ng Provincial Prosecutor sa nasabing mga reklamo.
Sa kabila nito ay naninindigan pa rin ang PNP na ginawa ng mga rumespondeng mga pulis ang lahat ng kinakailangang aksyon batay sa batas at ebidensya para mahuli ang mga sangkot.
Magsasagawa rin umano ang PRO2 ng masusing pagrepaso sa kaso. Isasangguni rin ang kaso sa PNP Regional Legal Service para suriin at tingnan kung maaari pa itong iakyat sa mas mataas na korte o may iba pang legal na hakbang na pwedeng gawin.
Nanawagan rin ang PRO2 sa mga mamamayang may alam na impormasyon na makatutulong at makapagpapatibay sa kaso na kaagad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang matulungan ang mga otoridad na matamo ng mga biktima ang hustisya.
Matatandaang nasugatan ang tatlong biktima sa insidente kung saan matapos ang pagpapaulan ng bala sa kanilang sasakyan ay bumangga ang kanilang sinasakyan sa puno ng mangga.











