--Ads--

Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na overloading ang pangunahing dahilan sa pagbagsak ng isang span bagong tayong Cabagan-Sta. Maria Bridge, bagama’t aminado silang maaaring nakadagdag din ang kakaibang disenyo nito.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Panel, inilahad ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang ulat ng kanilang komite, na nagsabing ang tulay ay may hindi karaniwang arkong disenyo na may nakabiting deck system. Subalit, walang sapat na dokumentasyong nagpapaliwanag kung paano binuo ang disenyo ng tulay.

Bukod pa rito, isiniwalat ni Bonoan na hindi nagtugma ang plano ng proyekto at ang actual na construction, dahil segmental lamang ang nakasaad sa bid invitation habang buong tulay naman ang ginawa.

Ayon sa imbestigasyon, Pebrero 26 at 27 ng 2025 nang dumaan ang mga overloaded na dumptruck sa tulay. Isa sa mga ito ay may bigat na 89.63 metriko tonelada, halos doble ng pinapahintulutang 45 tonelada alinsunod sa Republic Act 8794.

--Ads--

Itinuturing ng DPWH na ang paulit-ulit na labis na pagkarga ay nagdulot ng structural fatigue na posibleng naging sanhi ng pagguho.

Matatandaan na ang tulay ay katatapos lamang noong Pebrero 1, 2025, t nagkakahalaga ng P1.22 bilyon. Sa insidente, anim ang nasugatan at apat na sasakyan ang nasira.