Ikinatuwa ng Department of Labor and Employment o DOLE Isabela ang magandang turnout sa isinagawang Labor Day Job Fair.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Reginald Estioco ng DOLE Isabela sinabi niya na kung pagsasamahin ang bilang ng mga applicant sa Government Internship Programs at sa mga Private establishment ay aabot sa 1,559 ang registered applicant.
Sa Government Internship Programs, umabot sa isandaan ang hired on the spot habang nasa apatnaput dalawa naman sa mga Private establishment.
Karamihan naman aniya sa mga dumalo sa job fair at nag-apply ay mga kabataan.
Halos isang buwan din kasi silang nagsagawa ng information dissemination lalo na sa radyo at sa social media kaya marami ang nakaalam sa isasagawang job fair.
Muli naman niyang inanyayahan ang mga job seekers na hindi nakapunta sa Labor Day Job Fair dahil sa ikalabindalawa ng Hunyo ay magsasagawa ng Independence Day Job Fair ang DOLE.
Sa ngayon ay pinaplano pa kung sa Cauayan City o sa Santiago City ito gaganapin kaya payo niya na ugaliing bisitahin ang kanilang facebook page para sa updates.











