Isang 68-anyos na matandang babae, na kinilala si alyas Sol at residente ng Benito Soliven, Isabela, ang nasawi matapos maipit sa pagitan ng isang nakaparadang elf truck at isang paparating na pick-up sa Barangay Nasipping, Gattaran, Cagayan.
Ayon sa ulat ng Gattaran Municipal Police Station, ang elf truck ay galing sa isang outing at pansamantalang ipinarada sa gilid ng kalsada sa harap ng isang establisyemento upang makabili ng souvenir ang mga pasahero at makagamit ng palikuran.
Habang bumababa si Sol mula sa elf truck, isang pick-up na minamaneho ni alyas Rod, 49-anyos at residente ng Isabela, ang bumangga sa likurang bahagi ng elf truck, dahilan upang maipit ang biktima sa pagitan ng dalawang sasakyan.
Ayon sa pahayag ng drayber, siya ay umiwas sa isa pang matandang babae na tumatawid sa kalsada ngunit nawalan ng kontrol sa preno dahil sa bilis ng takbo ng sasakyan.
Sa lakas ng banggaan, nabali ang binti ng biktima at nagtamo siya ng matinding pinsala sa katawan. Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pananagutan at posibleng kasong isasampa laban sa drayber ng pick-up.











