Mas mababa ang naitatalang grass fire ng Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan ngayong taon kumpara noong 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer o FO3 Ronnel Karlo Vila ang tagapagsalita ng BFP Cauayan City, sinabi niya na mababa ang mga insidente ng grass fire ngayong taon kumpara noong 2024.
Aniya, noong 2024, halos araw araw ay nakakapagtala sila ng grass fire kung saan aabot ng 2-3 insidente bawat araw na kanilang nirerespondehan.
Malayo aniya Ang datos ngayon na dalawa hanggang tatlong insidente lamang kada isang Linggo.
Ang mababang bilang ng insidente ay maaring dahil sa masigasig na information dissemination ng BFP Cauayan sa publiko para maiwasan ang ganitong mga insidente.
Batay sa kanilang natatanggap na ulat, ang grass fire ay madalas na nagsisimula dahil sa hindi nababantayang pagsusunog ng ilang mga magsasaka partikular ang mga corn farmers.
Paalala niya na mas magandang hintaying makapag-ani ang iba pang magsasaka ng mais o mga katabing bukid bago magsunog para maiwasan na may madamay kung sakaling kumalat o hindi agad maagapan ang apoy.
Maliban sa grass fire nakapagtala din ng pagkasunog ng poste ng kuryente ang BFP Cauayan.
Aniya una silang nakatanggap ng tawag kaugnay sa isang poste ng kuryente na nagliyab na agad nilang tinugunan at mabilis na naapula.
Isa sa nakikita nilang dahilan ay ang biglaang pagpasok ng boltahe ng kuryente dahil sa naganap ito pagkatapos ng brownout.
Paalala ng BFP sa publiko na kung brownout o may power outage ay mainam na alisin ang mga nakasaksak na appliances para makaiwas sa ganitong pangyayari.
Isa rin sa dapat bantayan ng publiko ay ang matagal na paggamit ng appliances gaya ng electric fan na halos magdamag na nakabukas.











