Naglabas ng pahayag ang Land Transportation Office Cauayan kaugnay sa ilang alegasyon ng over speeding ng ilang sasakyan sa bahagi ng Barangay San Fermin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City LTO Chief Deo Salud, sinabi niya na mahigpit nilang babantayan ngayon ang ilang impormasyon kaugnay sa mga umano’y nagkakarerahang sasakyan sa kahabaan ng Barangay San Fermin na kamakailan ay posted na sa social media.
Babala niya na may batas kaugnay sa speed limit ng mga sasakyan na maaaring bumagtas sa Pambansang lansangan.
Halimbawa ang speed limit ng mga sasakyan na pwedeng tumahak sa mga diretsong daan ay 80 KPH, kung ang kalsada ay may pakurbada at may mga kabahayan, ang kailangan na bilis 60 KPH lamang.
Paliwanag niya na ang speed limit ay maaaring magbago depende sa gamit na sasakyan gaya ng motorsiklo at 4 wheeled vehicle.
Sa uploaded na video makikita ang mga sangkot na sasakyan na nag kakarerahan sa 4 lanes na kalsada gayunman hindi aniya nila matutukoy ang bilis ng mga sasakyan dahil sa kasalukuyan ay wala pa silang speed gun para matukoy ito.
Malaking tulong sana aniya kung naipatupad ang No Contact Apprehension na gumagamit ng mga camera para matukoy ang bilis ng mga sasakyan na dumadaan sa Lungsod na isang paraan para mahuli ang mga over speeding na motorista.
Sa ngayon ay wala pang naitatalang over speeding na violations na natatanggap sa kanilang opisina.
Samantala, malaking bagay para sa LTO Cauayan na walang anumang insidente ng road rage silang naitatala sa mga lugar na kanilang nasasakupan kaya naman paalala niya sa mga motorista mag baon ng mahabang pasensya kung nagmamaneho.










