--Ads--

Nagbabala ang Land Transportation Office o LTO Region 2 sa mga nakikipagkarerahan sa mga pampublikong lansangan.

Ito ay kaugnay sa mga napapaulat na karerahan ng sasakyan sa bahagi ng San Fermin Cauayan City na inupload sa social media.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Manuel Baricaua ng LTO Region 2, sinabi niya na may mga reklamo na silang natatanggap na ganitong impormasyon at kanilang pinapatawan ng show cause order.

May nasuspinde na rin ang lisensya dahil sa ganitong gawain sa kalsada at napatawan din ng kaukulang multa na P2,000 dahil sa reckless driving.

--Ads--

Ayon kay Ginoong  Baricaua, masyadong mababa ang nasabing halaga kaya kayang bayaran ng mga violators at marami pa rin ang patuloy na nag-ooverspeeding sa lansangan o mga nanghihikayat ng karerahan sa pampublikong kalsada.

Muli naman niyang ipinaalala sa mga motorista ang pagiging disiplinado sa paggamit sa lansangan at iwasan na ang pagmamaneho ng mabilis o pakikipagkarera dahil maaring magdulot pa ito ng aksidente at hindi lang sila ang maaring masaktan o masawi kundi maaring may mga madamay pa sa kanilang ginagawa.

Tiniyak naman niya na patuloy nilang biniberipika ang mga impormasyon maging ang pakikipagkoordinasyon sa mga kapulisan upang mahuli ang mga ito at mapatawan ng kaukulang parusa.