Nasira ang harapang bahagi ng isang SUV matapos na mabangga ng nahulog sa dalawang malalaking gulong mula sa kasalubong nitong Cargo truck sa Nueva Era, San Manuel, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Rogelio Natividad ang hepe ng San Manuel Police Station, sinabi niya na sangkot sa road crash accident ang isang SUV minamaneho ni Florante Domingo na residente ng Matusalem Roxas, Isabela at Cargo truck na minamaneho ni Sonny Cristobal na residente ng Cabatuan, Isabela.
Sa pagsisiyasat ng pulisya napag-alaman na binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon at nang makarating pinangyarihan ng aksidente ay biglang nahulog ang dalawang gulong na karga ng truck at napunta sa linya ng SUV.
Mapalad namang walang nasugatan sa mga sakay ng SUV sa kabila ng malakas na impact sa pagbangga ng gulong sa harapang bahagi o bumper ng sasakyan.
Inamin naman ng may-ari ng truck na sila ang may pagkukulang sa insidente na nauwi rin sa areglohan.
Isa sa nakikitang dahilan dito ng PNP ay ang pagluwag ng tali ng mga gulong dulot ng matagtag na biyahe na nagdulot naman ng pagkahulog sa daan.
Aminado naman si Pmaj. Natividad na sa ngayon ay wala pang umiiral na ordinansa sa San Manuel kaugnay sa mga overloading na sasakyan.











