CAUAYAN CITY- Problema ng Barangay Turayong Cauayan City ang pagdami ng galang aso sa barangay dahil sa kawalan ng maayos na dog impounding facility.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Roberto Gammad, aniya napapansin nila sa kanilang pag roronda na tanghali maging sa gabi ay nakakalat pa rin ang mga aso sa daan.
Malimit din aniyang magkaroon ng aksidente ng mga motor dahil sa mga galang aso at may pagkakataon pa na nakikita na lamang ang mga basura na nakakalat sa daan.
Aniya,mayroon namang ordinansa ang barangay kaugnay sa “aso mo, tali mo” subalit hindi lahat ng residente ay sumusunod dito.
Nanghuhuli naman aniya sila ng mga aso ngunit nakikiusap ang mga residente na pakawalan nalang ang mga ito, at may pagkakataon pa na mismong ang mga nagmamay-ari ng aso ang dahilan kung bakit nakakatakas ang mga aso.
Dahil sa wala naman silang maayos na dog impounding facility ay nakikipag ugnayan sila sa City Veterinary para sa panghuhuli ngunit tila hindi aniya nauubos ang aso sa lugar.
Dagdag pa ni Kagawad Gammad, nung una ay mayroon pang multa ang mga pet owners ngunit kalaunan aniya ay wala nang nagiging multa dahil katwiran aniya ng mga residente na sa halip na pang multa at pambili nalamang ng tali ng aso.
Katwiran pa umano ng ilan, kaya hindi nakatali ang kanilang aso ay dahil ito ang kanilang nagsisilbing bantay tuwing gabi.
Kaugnay nito, nakikiusap ang Barangay na maging disiplinadong pet owner at alamin ang responsibilidad ng pagtatali ng aso upang walang maitalang aksidente at pagkalat ng basura sa lugar dahil sa kagagawan ng mga aso.







