--Ads--

Arestado ang dalawang lalaki matapos silang maharang ng mga awtoridad sa PNP-COMELEC checkpoint sa Maharlika Highway, Purok 7, Barangay Rizal, Santiago City dahil sa paglabag sa Election Gun Ban.

Kinilala ang mga suspek na isang 47-anyos, gas station technician na residente ng Victory Sur, Santiago City, at isang 35-anyos na maintenance personnel mula sa Barangay Rosario, Santiago City.

Habang nagsasagawa ng COMELEC checkpoint ang mga kasapi ng Rizal Patrol Base, napara nila ang isang kulay asul na Sedan na sakay ang dalawang lalaki.

Dahil sa umiiral na gun ban, isinagawa ng mga pulis ang plain view inspection kung saan namataan nila ang isang itim na plastic box sa passenger seat. Nang tanungin ang mga sakay hinggil sa laman nito, agad umanong inamin ng mga suspek na may dala silang air gun rifle.

--Ads--

Dahil sa walang naipakitang kaukulang dokumento ang dalawa para sa nasabing armas, kaya agad silang inaresto. Nasamsam sa kanila ang isang unit ng PCP air gun rifle Cal. 5.5 mm (.22), 40 rounds ng cal. 22 domed type air gun pellets, at ang itim na plastic box.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Santiago City Police Office Custodial Facility ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at COMELEC Resolution No. 11067 (Comelec Gun Ban).