CAUAYAN CITY- Sinimulan na ng Department of Agriculture ang pag-deliver ng mga binhi ilang Local Government Units sa Lambak ng Cagayan para sa wet cropping season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Robert Busania, Regional Technical Director ng DA Region 2, sinabi niya na sa ngayon ay good for 16,530 hektarya pa lamang ng sakahan ang kanilang naidedeliver.
Kakaunti pa lamang ito kung ikukumpara sa 175,462 hektarya na kanilang allocation para sa pamamahagi ng binhi.
Mula kasi sa apat na pribadong kumpanya na kaniyang supplier ng binhi ay dalawa pa lamang ang nakakapagdeliver sa kanilang tanggapan kaya kakaunti pa lamang ang naipapamahagi nila sa mga LGUs.
Target naman nilang maideliver ang mga binhi pagsapit ng buwan ng Hunyo ngunit nilinaw niya na inuuna nila ang mga lalawigan na nauna nang nakapagpatubig gaya ng Isabela.
Aniya, matapos ideliver sa mga LGUs ang mga binhi ay sasailalim pa ito sa testing upang masuri ang viability nito o kapag tumutubo ang mga binhi na ipapamahagi.
Nilinaw naman niya na sa ngayon ay binhi pa lamang ang kanilang ipapamahagi sa mga magsasaka at sa mga susunod na lamang na pagkakataon sila magbibigay ng abono.
Sa ngayon ay inihayag umano ng China na hindi na muna ito magsusuplay ng abono sa bansa kaya inaasahan na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng fertilizer.
Ngunit tiniyak naman niya na may mga alternatibo pa ring paraan para hindi bumaba ng husto ang suplay ng abono sa bansa gaya na lamang sa pag-iimport ng naturang produkto mula sa iba pang mga bansa gaya ng Norway, Belgium at iba pa.










