--Ads--

CAUAYAN CITY- Matagal nang sinusubaybayan ng Isabela Pro Riders Club ang viral na rider sa Lungsod ng Cauayan na nakikipag-karerahan sa Pambansang Lansangan na kamakailan lamang ay binigyan ng show cause order ng Land Transportation Office.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joey Tejada, Founder ng isabela Pro Riders Club, sinabi niya na noong nakaraang taon pa ay nabigyan na siya ng LTO Region 2 ng show cause order dahil sa kaparehong reklamo.

Itinanggi naman umano nito noon na hindi siya ang nagmamaneho sa mga naunang videos na iniupload nito at nang dahil sa walang sapat na ebidensya ay hindi na-revoke ang kaniyang lisensya.

Ngunit sa ilan aniya sa mga pinakabago nitong iniupload na videos ay nahagip ang kaniyang sasakyan mula sa dash cam at ayon kay Tejada, malakas na ebidensya ito kaya umaaasa siya na hindi lamang 90-days suspension ang ipataw dito sa halip ay I-revoke na dapat ang lisensya nito para hindi na ito makapag-maneho pa.

--Ads--

Aniya, hindi maganda ang ganitong pag-uugali ng mga driver lalo na ini-u-upload pa ito sa social media na maaaring gayahin din ng mga makakapanood nito pangunahin na ng mga kabataan.

Samantala, bilang isang road safety advocate, naniniwala si Tejada na kakulangan sa awareness sa batas lansangan ang dahilan sa dumaraming bilang ng mga naitatalang aksidente sa bansa.

Aniya, bago mabigyan ng lisensya ang isang indibidwal ay alam na nito ang mga batas trapiko upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.

Kung mas mainam aniya na higpitan ang pagkuha ng lisensya ay gawin ito ng pamahalaan basta’t makasiguro lamang na kahandaan at kakayahan ng isang indibidwal na magmaneho.

Gawin din aniyang mandatory ang drug testing hindi lamang sa mga Public Transportation Drivers kundi maging na rin sa lahat ng kukuha ng lisensya.