CAUAYAN CITY- Nakarinig ng putok ng baril kaninang madaling araw ang ilang mga residente ng Diamantina, Cabatuan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romeo Mabea, Hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi niya na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa narinig nilang putok ng baril.
Agad naman na rumesponde ang kapulisan at nagsagawa ng occular inspection sa lugar at naberipika naman nila ang impormasyon mula sa mga residente na nakarinig dito.
Dahil dito ay sinuri nila ang lugar at nakita ang pitong fired catridge cases ng 5.56mm caliber na baril.
Maliban sa mga ito ay nakita rin nila ang isang lalaki na nagtatago sa puno ng saging ngunit nilinaw naman nito na hindi siya ang nagpaputok at nagtago lamang siya roon nang marinig ang mga putok ng baril mula sa hindi matukoy na direksyon.
Nagpapatuloy sa ngayon ang ginagawang pagsisiyasat ng Cabatuan Police Station hinggil sa insidente upang matukoy kung ito ba ay may kaugnayan sa eleksyon.
Samantala, nakatanggap din ng ulat ang kapulisan mula kay Cabatuan Mayoral Candidate Benjamin “Benben” Dy kaugnay sa mga sasakyan na umaaligid umano sa kaniyang bahay.
Ito aniya ang unang pagkakataon na namataan ang naturang sasakyan sa lugar kaya nabahala rin ang kampo ng naturang kandidato.
Ayon kay PMaj. Mabea, nagdispatch na rin sila ng mga PNP personnel katuwang ang Armed Forces of the Philippines sa bisinidad ng bahay ng tumatakbong alkalde upang matiyak ang kaligtasan nito.
Tiniyak naman nito na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang kapayapaan sa bayan ng Cabatuan.











