--Ads--

Namayagpag sa katatapos na Halalan 2025 sina Mayor Sheena Tan at Jamayne Tan sa lungsod ng Santiago.

Nanalo si Mayor Sheena Tan sa karera sa pagka-alkalde sa nakuha nitong kabuuang boto na 68,743 kumpara sa nakuha ng katunggali nitong si Otep Miranda na 19,208.

Samantala, sa pagka-bise alkalde naman ay si Jamayne Tan ang nanalo sa nakuha nitong boto na 48,292, kumpara sa mga katunggali nitong sina Jigs Miranda na may botong 26,618; Doc Navarro na may botong 14,601; maging sina Kit Galang na may botong 505 at Gene Jose na may botong 153.

Malaki ang naging suporta ng mga botante na marahil ay dahil sa kapwa sila nagpapakita ng aktibong kampanya at malinaw na plataporma para sa lungsod ng Santiago.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Sheena Tan, pinasalamatan niya ang mga Santiaguenio na nagtiwala muli sa kanyang pamumuno at tiniyak niya na maipagpapatuloy ang kanyang mga nasimulang proyekto at adhikain para sa lungsod ng Santiago.

Isa sa pangunahin niyang tututukan sa kanyang susunod na termino ang sektor ng agrikultura lalo na ang pagtulong sa mga magsasaka upang mapabuti ang sektor na makakatulong naman sa pag-unlad ng lungsod.