--Ads--

CAUAYAN CITY- Naniniwala si Vice Mayor Elect Atty. Harold Respicio na susundin ng Comelec ang desisyon ng publiko na siya ay umupo sa pwesto.

Ito ay matapos siyang manguna sa katatapos na 2025 midterm election sa posisyon ng pagkabise mayor sa bayan ng Reina Mercedes Isabela.

Ngunit kagabi ay sinuspinde ng comelec en banc ang proklamasyon niya bilang vice mayor ng nasabing bayan dahil sa disqualification case na inihain sa kaniya ng poll body.

Ang disqualification case ay nag ugat sa kaniyang video noong Enero kung saan tinalakay niya na maari umanong mahack ang mga Automated Counting Machine o ACM para mabago ang resulta ng halalan.

--Ads--

Ayon sa Vice Mayor elect, naiintindihan niya ang ginawang aksiyon ng Comelec na siya ay bigyan ng show cause order at sampahan ng kaso.

Paraan aniya ito upang maipakita ng komisyon na may ginagawa ang kanilang opisina para tugunan ang mga pahayag na may kinalaman sa eleksiyon.

Ngunit depensa niya, nagpapahayag lamang siya bipang isang mamamayan na may freedom of speech at may alam sa larangan ng Information Technology.

Kaya naman, nanawagan siya sa Comelec na magmove on na at respetuhin ang desisyon ng mga mamamayan ng Reina Mercedes na siya ay maupo sa posisyon.

Aniya, malinaw ang desisyon ng mga botante at hindi dapat ito hadlangan ng Comelec dahil lamang sa naging pagpapahayag niya sa mga ACM na ginamit ng Comelec.

Giit pa niya, naging maayos ang halalan at walang naitalang issue ng pandaraya kaya sana ay huwag ng hadlangan ang kaniyang pag upo

Dagdag pa niya na hindi sapat na grounds ang fake news na paratang upang madiskwalipika sa posisyon sa pagiging Vice mayor.

Ayon sa Vice Mayor elect Respicio,walang sapat na batayan at hindi specific ang ipinadala sa kaniyang show cause.order hinggil sa pamumuna niya sa mga makinang ginamit sa eleksiyon

Aniya, kung tutuusin nagpapahayag lang siya mg kaniyang pananaw hinggil sa makinang ginamit sa eleksiyon at ito ay karapatan niya bilang isang mamamayang Pilipino

Samanatala, sakaling maupo sa posisyon, siniguro ng vice mayor elect na maririnig ang boses ng mga mamamayan ng Reina Mercedes

Aniya, matagal nang sistema sa nasabing bayan na gumagawa sila ng ordinansa na hindi pinakikingan ang hinaing ng mga residente.

Kaya naman kung siya ay mauupo na ay sisiguruhin aniya niya na bawat ipapasang ordinansa ay may parte ang bawat mamamayan ukol dito.