--Ads--

Nasira ang isang bahay matapos manalasa ang umano’y buhawi sa San Luis, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rojonalyn Bagara Bigornia, ang may-ari ng nasirang bahay, sinabi niya na matapos nilang makaranas ng pag-ulan dakong alas-6 kagabi ay biglang humangin ng malakas.

Nasa loob umano siya ng bahay kasama ang kaniyang mga anak nang magka-buhawi at makalipas lamang ang ilang minuto ay natanggal na ang bubong ng kanilang bahay.

Muntikan pa umano silang mabagsakan ng kaniyang mga anak ng natumbang puno ngunit mabuti na lamang at agad niyang nailabas ang kaniyang mga anak bago pa man bumagsak ang naturang punong-kahoy.

--Ads--

Nagkapasa umano ang kaniyang kamay sa kakamadali nitong ilikas ang kaniyang mga anak na ligtas namang nakalabas ng bahay.

Nagtagal umano ng limang minuto ang malakas na hangin na mas malakas pa umano sa hangin na dala ng isang bagyo.

Aniya, hindi na niya nagawang ilipat sa ligtas na lugar ang mga kagamitan sa kanilang bahay kaya nabasa ang lahat ng kanilang mga gamit maging ang mga appliances gaya ng refrigerator.

Nabagsakan din umano ng puno ang mga kalapit nitong bahay ngunit tanging ang kanilang bahay lamang ang lubhang napinsala.

Sa ngayon ay makikituloy na lamang sila pansamantala sa bahay ng kaniyang pinsan.

Nanawagan naman siya ng tulong sa lahat para maipaayos ang nasirang bubong ng kanilang bahay.