Nasawi ang isang sundalo matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nitong motorsiklo sa Sitio Baclas, Barangay Apatan, Pinukpuk, Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Medie Lapangan Jr., Chief ng PCADU at concurrent Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office, sinabi niya na ang biktima ay kinilalang si Elmer Paredes Racsa Jr. isang sundalo na residente ng Catacdegan Viejo, Manabo Abra.
Batay sa naging pagsisiyasat ng Pinukpuk Police Station, gabi ng May 13, 2025, binabagtas ni Racsa ang Abra-Kalinga road patungo sa Apayao kung saan siya nakaduty sa nakalipas na eleksyon at kinailangan niyang tawirin ang kalsada kung saan may rumaragasang tubig galing sa bundok dahil sa malakas na pag-ulan.
Sa kanyang pagtawid ay tinangay ng malakas na agos ng tubig ang kanyang motorsiklo na naging dahilan ng pagkahulog nito sa bangin na may lalim na dalawampung metro at dumiretso sa ilog.
Agad namang nagsagawa ng Search and Retrieval Operation ang Pinukpuk Fire Station katuwang ang mga kapulisan at natagpuan ang katawan ng biktima na agad namang nadala sa Pinukpuk District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.











