Sa kabila ng nakuhang pinakamataas na bilang ng boto ay hindi naisama ang pangalan ni Atty. Errol Comafay Jr. sa Official Proclamation ng Tabuk City Board of Canvassers (BOC) ng Elected Members of Sangguniang Panlungsod.
Ayon sa Tabuk City BOC, ito ay dahil sa COMELEC Resolution na nagpapatibay sa desisyon ng Second Division na kinakansela ang Certificate of Candidacy o COC ni Comafay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Gustavo Dalen, Election Officer ng Comelec Tabuk City sinabi niya na nag-file ng petisyon ang isang kandidato laban kay Atty. Comafay kugnay sa isyu ng residency na pinaburan naman ng COMELEC En Banc kaya kinansela ang kanyang certificate of candidacy ngunit hindi na natanggal pa ang kanyang pangalan sa balota.
Bagamat nasa balota pa rin ang pangalan ni Comafay ay itinuring nang stray ang mga boto nito.
Batay sa Comelec en banc, misrepresentation ang naging desisyon dahil sa inilagay na address sa kanyang COC na hindi existing sa Tabuk City Kalinga.
Ayon kay Atty. Dalen, ang maaring gawin ni Atty. Comafay ay ang pagfile nito ng certiorary for review sa Supreme Court sa loob ng animnapung araw matapos ang desisyon ng Comelec en banc.
Aniya ito ay final and executory kaya kanilang iimplementa ang desisyong ng board at ikukunsidera na ang mga sumusunod na kandidato bilang kapalit ni Atty. Comafay.










