Welcome Development sa Federation of Free Farmers ang roll out ng programang 20 pesos per kilo na bigas ng Pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmer Chairman of The Board Leonardo Montemayor, sinabi niya na natutuwa sila sa roll out ng “Bente Pesos na Bigas ,Meron na Program” sa pangunguna ng Department of Agriculture.
Aniya kung matatandaan ay inihayag ng DA ang pagpapahintulot sa National Food Authority na magbawas ng rice stock sa kanilang mga bodega.
Ito ay dahil sa kung hindi ito gagawin ay lalo lamang masisira ang mga nakaimbak na bigas ng ahensya na mas lalong ikakalugi ng Gobyerno.
Kung susumahin ang actual cost ng pamahalaan ay 45 pesos per kilo ng bigas at ang subsidized ay 20 pesos na nagtulak kay Pangulong Ferdinand Marcos na maglabas ng contingency fund na nagkakahalaga ng 4.5 billion pesos.
Isa rin sa dahilan kung bakit importante na mapabilis ng NFA ang pagbabawas ng stock sa lahat ng bodega ay dahil nahihirapan silang makabili ng palay mula sa mga local rice farmer dahil sa walang mapaglalagyan.
Wala namang inaasahang epekto sa farmer group ang bentahan ng murang bigas dahil sa tapos na ang anihan at hindi na ito magagamit na dahilan ng mga trader upang baratin ang presyo ng palay.
Ang malaking katanungan lamang ng grupo ngayon ay kung hanggang kailan mababalikat ng pamahalaan ang napakalaking pagkalugi lalo na at may mandato si Pangulong Marcos na i-sustain ang programa hanggang 2028 para maipatupad ang programa sa buong Pilipinas.











