--Ads--

CAUAYAN CITY-Nakitaan ng ilang depekto ang Ipil Bridge sa Echague, Isabela dahilan kaya pinagbawalan pansamantala ang mabibigat na sasakyan na tumawid sa tulay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Evelyn Castillo-Costales, District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 4th District, sinabi niya na noong Mayo 8 ay nagkaroon sila ng quarterly immediate inspection para sa Bridge Management System ng DPWH.

Aniya, batay sa kanilang inspeksyon ay napag-alaman na may ilang depekto ang tulay tulad ng paglihis ng roller sa baba ng approach ng tulay at bahagyang nagkalawang na rin ang ilang bahagi nito dahil ito ay naipatayo pa noong 1974.

Nilinaw naman niya na tanging ang mabibigat lamang na mga sasakyan ang hindi pahihintulutang tumawid sa tulay partikular ang mga may bigat na hihigit sa 10 tonelada.

--Ads--

Maaari namang dumaan sa alternatibong ruta ang mga hindi makakadaan dito kung saan ang mga patungong Northbound ay maaaring dumaan pansamantala sa Santiago-Tuguegarao Road to Alica-San Mateo Road.

Para sa naman sa mga pa-southboud, maaring dumaan sa Alicia-San Mateo Road to Santiago – Tuguegarao Road.

Mayroon naman aniyang naka-paskil na mga road advisory sa daan at ibinahagi na rin nila ito sa kanilang social media account upang maipaalam sa publiko ang naturang impormasyon.

Maliban dito ay may nakabantay din na mga DPWH Personnel sa lugar maging ang ilang mga Pulis upang matiyak na walang makakatawid na mga malalaking truck sa Ipil Bridge.